Alinsunod sa adbokasiya na “Pagbangon at Pagbabago” ng ating Mayor Rolly “Ur Da Man” Sacdalan, sinimulan na ng Midsayap Tourism Division ang inisyal na pagsasaayos ng pinakabagong Midsayap Tourism Info Center sa bayan.

Kasabay sa pagdiriwang ng Tourism Month ngayong buwan ng Setyembre, ang inisiyatibong ito ay pinamunuan ni Fersan-Jocel C. Sawit, Municipal Tourism Operations Officer, upang mas mapaigi pa ang serbisyo para sa mga turista at bisita sa bayan ng Midsayap.

Layon din nitong mas mailapit pa sa publiko ang serbisyo para sa turismo sa pamamagitan ng pgkakaroon pasilidad na ito na magsisilbing tanggapan ng mga bisita at mga turista sa lahat ng dadayo sa bayan maging sa mga karatig Munisipyo nito.

Sa oras na ito ay pormal nang mabuksan, magbibigay ito ng serbisyo sa mga biyahero bilang One Stop Tourist Assistance Center na siyang magbibigay alalay sa mga turista sa iba’t ibang tourist destinations na maaari nilang puntahan. Makakahuha din ang mga biyahero ng rekomendasyon ng iba’t ibang accommodation establishments, restaurants at events na makikita sa bayan.

Magsisilbi itong showroom ng mga tourism related establishments sa pamamagitan ng pagdisplay ng kanilang mga promotional materials upang madaling magabayan ang mga turista sa pagbisita nila sa bayan ng Midsayap.

Magsisilbi din itong training facility para sa mga Midsayapeñong nakasalalay ang kanilang pamumuhay sa industriya ng kultura at sining. Layunin nitong higit pang maipakilala ang mga gawa ng mga Midsayapeño at mas mailapit sa publiko ang mga likha nito.

Ang Midsayap Tourism Info Center ay matatagpuan sa ikalawang palapag ng Midsayap Integrated Transport Terminal sa Barangay Sadaan, Midsayap.

Itinataguyod ng Midsayap Tourism Division ang hangarin nitong makapaghikayat ng mga turista na bibisita sa bayan ng Midsayap sa pamamagitan ng pagpapabuti pa ng serbisyo nito sa publiko.