Matagumpay na nabakunahan ng ating vaccination team sa pangunguna ni Dra. Amymone D. Rayray ang 1,851 na Midsayapeños noong ika-11 ng Agosto, 2021.

Sa ngayon, ito ang pinakamataas na bilang ng ating nabakunahan sa loob ng isang araw simula ng tayo ay nagkaroon ng Vaccination rollout. Ang kakulangan ng ating pwersa at suplay ng bakuna ay hindi naging hadlang upang matagumpayan ito.

“Ang mga vaccines na hindi kayang ubusin ng ibang LGUs na ibinabalik sa IPHO ay hinihingi namin. Last week nakahingi kami ng 1000 doses at kahapon naman ay nakahingi ulit kami ng 1000 doses” ayon kay Dra. Amymone D. Rayray.

Upang mas higit pang mapagtuunan ng pansin ang kalagayan ng Midsayap, nagsumiti ang ating mahal na Mayor Romeo D. Araña kay Secretary Carlito Galvez Jr.,NIATF Chief Implementer and Vaccine Czar ng kahilingang dagdag alokasyon ng bakuna sa ating bayan.

Matatandaang inilahad ni EOC Incident Commander Vivencio V. Deomampo Jr. na 28, 921 ang target na bilang ng mga Midsayapeño na kailangang mabakunahan sa kategoryang A1 (Health Workers) , A2(Senior Citizens) at A3 (Persons with comorbidities). Sa naitalang vaccination report ng probinsya noong ika-9 ng Agosto, 2021, nasa 37.61% na ang mga Midsayapeñong nakatanggap ng kumpletong bakuna kontra COVID-19.

Dahil dito, patuloy na inaabisuhan nina Mayor Romeo D. Araña at Vice Mayor Manuel M. Rabara ang mamamayan ng Midsayap na magpabakuna sa nakatakdang iskedyul at makipag-ugnayan sa Barangay Health Workers.

Lagi nating tatandaan “Kapag mas marami ang mababakunahan, mas ligtas ang ating pamayanan”!

LGU Midsayap

Source: Midsayap Info